Tag Archives: Bakla

Gamot sa Kabaklaan

Mga sampung taong gulang ako noon. Maaga akong natulog dahil may pasok ako kinabukasan, halos alas nuwebe pa lang ng gabi subalit dahil kami’y nasa probinsya pinilit ko ang sariling matulog habang sa paligid ko’y naririnig pa ang huni ng mga kulisap. Nasa kalagitnaan ako ng aking pagpapanggap na tulog nang dumating ang aming mga kamag-anak na ikakasal, bumibisita lang upang humingi ng payo patungkol sa pagpapamilya nang madako ang usupan sa pagkakaroon ng baklang anak.

med

Dinig ko ang tatay ko, nagtatanong sa bernakular na wika, kung maari pa raw bang maging tunay na lalaki ang isang batang nagbabadyang maging bakla. Biglang nag-iba ang posisyon. Una’y pumunta ang kamag-anak naming iyon upang humingi ng payo at sa pagkakataong iyon, ang mga magulang ko na ang humihingi ng payo tungkol sa kanilang anak na kinikitaan nila ng mga¬† sintoma ng pagkabakla na parang ako’y isang maysakit at nangangailangan ng masinsinang panggagamot.

“Pag laki niyan, mawawala rin ang kahinhinan niyan. Magiging lalaki rin yan kuya.”

Hindi awa sa sarili ang nadama ko ng oras na iyon kundi awa para sa aking mga magulang dahil nagkaroon sila ng anak na hindi nila maaaring ipagmalaki. Noong mga panahong iyon ay hindi ko pa tanggap ang aking identidad. Kinakaila ko pa ang nararamdaman kong pagkagusto sa mga kalaro kong lalaki. Subalit anong pilit ko mang kumilos na parang tunay na lalaki ay lumalabas pa rin ang kalamyaan ko.

Para sa mga magulang ko, lalo na sa tatay ko, mahirap tanggaping ang pagkakaroon ng anak na abnormal. Simula ng gabing iyong tinuluyan ko na ang pagpapanggap. Pinilit kong maging lalaki sa kanilang mga mata ng sa gayon ay hindi na sila maghahanap pa ng gamot para sa aking sakit – ang sakit ng kabaklaan.

2 Comments

Filed under Childhood Homosexuality, Coming Out, Gay Issues, GBLT, Homosexuality, Life, Memories, Uncategorized

Mga Kwento ng Baklang si Juan: Unang Entry

Ito ang aking unang entry.

juan

Ako si Juan, magdadalawampu at tatlong taong gulang sa Pebrero. Hindi ako dating sumusulat sa Filipino subalit dahil ito ang unang pagkakataong ipakilala ko ang aking sarili bilang isang bakla, naisip kong mas magiging makatotohanan ito, mas malalim, mas madrama sa halip na Ingles ang gagamitin kong medium sa pagsulat.

“Maliit pa lang ako, alam ko nang bakla ako”. Ito ang simula ng kwento ng karamihan sa mga bakla, at ang kwento ko ay hindi masyadong naiiba. Ngunit hindi kagaya ng ibang kakilala ko, hindi ako namolestya, hindi ako nagahasa, wala akong karanasan na binaboy ako. Lumaki ako sa isang normal na pamilya; ang mga magulang ko ay kapwa guro sa isang pampublikong mataas na paaralan. Hindi bakla ang tatay ko (sa pagkakaalam ko wala kaming kamag-anak na bakla) at wala kaming kapitbahay na bakla, wala akong nakilalang bakla noong lumalaki ako, ang alam ko si Roderick Paulate lang ang bakla sa buong mundo. Hanggang ngayon ay hindi ko pa rin alam kung paano ako nanging ganito. Masasabi ko ring hindi ko ginustong maging bakla.

Ang aking pagkatao ay lehitimo. Ito’y kagaya rin ng pagiging lalaki o babae.

Kung sana’y ang pangungusap sa itaas ay totoo sa tunay na buhay. Pero sa lipunang Pilipino, ang pagiging bakla, ang kaibhan ko at ng ibang kagaya ko ay hindi katanggap-tanggap sa labas ng aspeto ng komedya. Wala kaming karapatan sa drama dahil kung hindi nakatatawa mas maige pang manahimik na lang.

Hanggang ngayon hindi ko pa inaamin sa pamilya ko na bakla ako; ang mga nobya ko noong hayskul at kolehiyo ay patuloy pa ring naniniwala na iniwan ko sila dahil sa ambisyon ko o dahil sa ibang babaeng mas maganda, mas matalino sa kanila, hanggang ngayon patuloy akong nakatago sa imahe ng isang lalaking Pinoy.

Kung kaya naisip kong buuin ang proyektong ito: Isang koleksyon ng mg kwento ng isang baklang patuloy na nagkukubli. Ito’y paunang bati lamang. Hindi ito erotika o kwento patungkol sa seks. Kung meron mang miminsang sahog na senswalidad, hindi pakikipagtalik ang kabuuan ng kwento. Naniniwala akong maliban sa sarap na dulot ng pakikipagtalik sa kapwa lalaki, ang isang bakla ay naghahanap ng mga bagay na bubuo sa kanyang pagkatao. Hindi lamang pagiging bakla ang natatanging pagkakakilanlan niya, isa rin siyang anak, empleyado, mamamayan ng bansa, manlalakbay, intelektwal.

Ang blog na ito ay hindi naglalayong maging inspirasyon, kapupulutan ng aral, or paghihimay sa lugar ng bakla sa lipunang Pilipino. Isa lamang ang nais ng blog na ito: ang magkwento.

Kung kaya binabati kita, babae ka man, lalaki, tomboy, o kapwa ko bakla.

Maligayang pagbabasa.
Lubos na gumagalang,
Juan

3 Comments

Filed under Coming Out, Homosexuality, Life, Uncategorized